Ang Huling Tula na Isusulat Ko Para Sa Iyo (V2)

Hindi ko inakala na sa ganito lahat magtatapos
Ang kuwento ng pagmamahalan natin na iningatan ko ng lubos
Ilang tula at mga sulat na ba ang nagawa ko para sayo? dalawampu’t lima? tatlompu’t pito o higit pa?
Sa dinami dami nila ay hindi ko na maalala pa.

Magsimula tayo nung umpisa, nung mga panahong kaysaya
Nung unang sinambit mo ang mga salitang, gusto kita
Puso ko’y nagalak at natuwa. Totoo ba talaga ang iyong mga salita?
Di ko man pansin ang mga lamok na umaaligid basta ba tinig mo ang aking naririnig

Naalala mo ba yung isang gabing tinawagan kita?
Sinambit ko ang mga salitang,
Minsan ko lang ito sasabihin kaya makinig ka
“Mahal kita”, at ika’y natawa, ang sabi mo, pahinga ka na.

Hindi ako lunod sa alak pero lunod ako sa aking nararamdaman.
Hindi ko na mapigilan ang puso kong sumisigaw ng iyong ngalan
Mahal kita, yun ang totoo, walang halong loko o walang halong biro
Dadating kaya ang panahon na mamahalin mo din ako?

Ilang buwan pa ang lumipas at nagising ka nalang isang araw
At sinabihan mo ako na iba na ang iyong nararamdaman at ako’y iyong laging naaalala
Siguro tama na ang panahon para pagbigyan ang ating mga mundo
Na maging isa sa bawat ikot nito.

Mundo mo’y naging akin at mundo ko’y naging iyo
Abot langit ang ngiti sa bawat minutong ikaw ay kapiling
Ilang araw pa ang lumipas, at iyong ibinulong
“Mahal kita. Gusto ko ikaw ang aking makita sa pagsikat at paglubog ng araw”
At ako’y naiyak sa aking narinig. Hindi kalungkutan ang dulot bagkus ay kasiyahan
At aking sinabing : “Mahal na mahal din kita. Lagi lang akong mananatili sa tabi mo, ako ang poprotekta sayo. makakaasa ka.”

Tatlong taon pa ang lumipas at ikaw ay nanatili sa aking tabi
Kasama natin ang isa’t isa sa bawat saya at pighati
Hindi ka nangako ng anuman pero sa bawat sandaling kasama kita
Langit ang nadama ko, mundo ko’y buong buo.

Pero sadya nga bang totoo na lahat ng tao ay lilisan?
Nagsimula tayo na magkaibigan pero sa ganun din ba magtatapos?
Bakit ngayon, kahit pagkakakaibigan ay di na maramdaman
Wala na bang pag asa na ika’y makapiling or marinig man lang?

Saan nga ba ako nagkulang? Ako ba ay nagkamali?
Bakit sa isang iglap nagbago ang ang lahat at tila nauwi sa wala
Minahal kita ng lubusan, alam ng Diyos na totoo ang pag ibig ko sayo
Naalala mo ba na handa akong pumatay at mamatay para sa iyo?

Siguro nga ay tama sila, lahat ng bagay ay may katapusan
Pagmamahalan pati na din pagkakaibigan, may hangganan
Hindi ko na maririnig ang mga salitang mahal kita
Hindi mo na sasambitin ang mga salitang mahalaga ka

Pero wag kang mag alala, puso ko man ay may pag aalinlangan, pinapalaya na kita
Hindi ko alam kung gaano katagal maghihilom ang mga sugat ko, isang taon, dalawa o higit pa
Ang alam ko lang ay hanggang ngayon minamahal kita pero di na pwedeng ipilit pa

Hindi man tayo nagkaroon ng magandang katapusan ay masaya naman ako sa mga panahon na nakasama kita
Yung mga panahon na yun na nakaramdam ako ng pag ibig na dalisay
Wala akong pagsisisi na winasak ko ang mga dingding ko para sayo
Nang dahil sayo, buhay ko ay nagkasaysay.

Lagi mong tinatanong sa akin kung bakit mahal kita
Ngayon, sa huling pagkakataon ay papaalalahanan kita
Minahal kita hindi dahil minahal mo ako at dapat ko lang suklian ito.
Minahal kita dahil natatangi ka. Itinatangi kita. at simple lang, minamahal kita at patuloy na mamahalin pa.

Hanggang ngayon ay hindi ko maipaliwanag bakit
Tunay nga na ang tao ay nagiging tanga at nababaliw pagdating sa pag ibig
Masakit man, ipinagpapatuloy pa din
Mag isa man, ay umiibig pa din.

Siguro eto na nga ang tamang panahon para ang mga landas natin ay maghiwalay
Natatawa nalang ako habang umiiyak dahil naaalala kita sa lahat ng bagay
Sana ay wag mo akong kamuhian dahil hindi ko kakayanin
Ako’y mahina pagdating sa iyo at sa pag iibigan natin.

Gusto mo magsimula ulit at ako’y iyong nilisan
Hindi ko ipagkakaila pero sobra akong nasaktan
Pero wag kang mag alala, hindi mo kailangang humingi ng tawad
Dahil wala akong galit o pait na nararamdaman, kaligayahan mo lang ang aking hinahangad.

Sabi nila ang makatang hindi marunong magpatawad at humingi ng tawad ay hindi kailanman makapagsusulat
Hindi ko alam kung mababasa mo ang tulang aking isinulat pero gusto ko na magkaroon tayo ng kasunduan
Papatawarin mo ako at patatawarin din kita
Nang ako ay mapayapa at makapagsimula ng bagong buhay na wala ka.

Patawarin mo ako sa mga panahon na hindi kita mabitawan
At patatawarin kita sa mga panahon na hindi mo inabot ang aking mga kamay

Patawarin mo ako sa aking pagtatanong
At patatawarin kita sa mga tanong na kailanman ay hindi mo na masasagot

Patawarin mo ako sa hindi ko pagmamahal sa aking sarili dahil ibinuhos ko na lahat sa iyo
At patatawarin kita sa mga panahong ika’y naging makasarili

Patawarin mo ako sa pag iyak sa umaga at gabi
At patatawarin kita sa hindi mo pagdamay

Patawarain mo ako na hanggang ngayon hindi ko kayang magalit
At patatawarin din kita sa mga panahong hindi mo na ako sinuyo.

Patawarin mo ako sa pagprotekta sa iyo
At patatawarin kita sa hindi mo pagsagip sa akin

Patawarin mo ako sa pagpigil nang ako’y lisanin mo
At patatawarin kita sa di mo pananatili

Patawarin mo ako sa hindi pagtanggap na tapos na ang lahat
At patatawarin kita sa pagtutuldok ng ating pagiibigan at pagkakaibigan.

Patawarin mo ako sa pagiging masyadong malapit ko sa iyo
At patatawarin din kita sa pagtanggap sa akin ng buo

Patawarin mo sa hindi ko paglimot sa iyo
At patatawarin din kita sa pagbibigay ng dahilan sa akin para di ka limutin

Patawarin mo ako na hanggang ngayon ay nakatayo pa din ako sa nakaraan
At patatawarin kita sa mga alala mo na di ko mabitawan.

Patawarin mo ako sa paghahabol sa iyo
At patatawarin din kita sa mga panahon na niyakap mo ulit ako.

Patawarin mo ako sa pag iyak ngayon habang ginagawa ko itong tula para sayo mahal
At patatawarin din kita sa pagpunas na aking mga luha sa nakaraan, na hindi ko na kailanman mararanasan.

Patawarin mo ako sa labis na pagmamahal sayo
At patatawarin kita sa sa pagiging natatangi sa lahat na alam kong hindi ko kailanman kamumuhian.

Malabo man ang ating katapusan, hindi man kita narinig sa huling pagkakataon
Siguro ay eto na ang tamang paraan upang mapalaya na kita
Napatawad na kita at nawa’y mapatawad mo din ako
Bigo man ang puso ko pero handa akong magpaubaya para sa ikasasaya mo.

Paalam na mahal, ako ay lalayo na din
Hahanapin ko muna ang aking sarili at pupulutin ang mga piraso na nawala sa akin
Hindi ito magiging madali, pero susubukan ko na magsimula ulit
Isang hakbang, dalawa, tatlo palayo sa nakaraan, hanggang sa maglaho ang sakit na nararamdaman.

Magsisimula ako ngayon pero bago ko tapusin ang aking isinusulat
Gusto ko lang sambitin ang mga salitang hindi ko nasabi nang ikaw ay lumisan
“Mahal kita, walang nagbago. tulad ng sabi mo, ikaw pa din ang gusto ko makita sa pagsikat at paglubog ng araw”
Hindi ko alam hanggang kailan ko mapanghahawakan ang mga salitang sinambit ko, pero alam mo na lahat ng ipinadama ko sa iyo at totoo.

Mag ingat ka mahal, at wag kang mangamba
Wag ka sanang malungkot na ako ay lilisan pansamantala
Mananatili akong nagmamahal sa iyo, bilang babae at bilang kaibigan
Hangad ko lang ay iyong kaligayahan ngayon at sa hinaharap.

Ilang minuto na ba ang nakalipas nang magsimula akong magsulat?
Dalawampu? Tatlompu? O higit pa?
Marahil ay hindi ako mauubusan ng salita kung ito ay ipagpapatuloy ko pa
Kaya tatapusin ko na ang lahat at di na magpapaligoy ligoy pa.

Mahal, eto na ang huling tulang isusulat ko para sa iyo
Pero hindi ko maipapangako na eto na ang huli nang dahil sa iyo.
Magsisimula akong muli ng may ngiti sa aking mga labi.
Magsisimula akong muli, hindi para sa iyo kung hindi para sa aking sarili.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s